Ilalagay sa mas mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) classification ang Metro Manila mula sa Agosto 6 hanggang 20, 2021 dahil sa banta ng Delta coronavirus variant.

"Mapait na desisyon ito pero ito ay para sa kabutihan ng lahat," ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa press briefing nitong Biyernes.

Idinagdag ni Roque, na simula sa July 31 hanggang Agosto 5, nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) "subject to heightened and additional restrictions" ang Metro Manila.

"No need for panic buying because we have one week to prepare," sabi pa ng opisyal.

Tiniyak din ni Roque na makatatanggap ng pinansiyal na ayuda ang mga maaapektuhang manggagawa.

Ilalabas umano ang katakaran tungkol dito at sa usapin ng transportasyon sa mga susunod na araw, paliwanag ni Roque sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Sa ilalim ng ECQ, tanging "essential" na serbisyo at manggagawa ang papayagan na lumabas at mag-operate. Bawal ang indoor at al fresco dining.

Kaugnay nito, sinabi ng National  Economic and Development Authority (NEDA) na daang bilyong piso ang mawawala sa ekonomiya ng bansa sa panibagong pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila.

“Each week of ECQ in NCR will cost the economy P105 billion,” ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.

“Also increase[s] poor people by up to 177,000 and 444,000 more without jobs,” dagdag niya.

Nagpasya ang Palasyo na aprubahan ang rekomendasyon ng government inter-agency COVID-19 task force (IATF) na isailalim ang NCR sa ECQ matapos umapela ang mga alkalde sa Metro Manila na higpitan ang quarantine classification dahil sa tumataas ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa OCTA Research,  posibleng pumalo sa 2,000 bawat araw ang COVID-19 cases sa Metro Manila sa susunod na linggo.

Sa ngayon, nasa 1,100 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, indikasyon ng pagtaas ng COVID-19 transmission rate sa lungsod.

Ito na ang ikatlong beses na isasailalim sa ECQ ang Metro Manila mula nang magkaroon ng pandemiya. Una ay noong March 16 hanggang May 14, 2020 at sumunod noong March 29 to April 11, 2021.

Sa ilalim ng patakaran tungkol sa pandemya, kapag ipinatupad ang ECQ ay magkakaloob ang pamahalaan ng cash aid sa mga apektadong residente ng P4,000 hanggang P8,000 sa bawat tahanan.--FRJ, GMA News