Sinabi ng Malacañang na hindi puwedeng basta na lang isailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila dahil wala pang mapagkukunan ng pondo bilang pang-ayuda sa mga residenteng maapektuhan.
Ang pahayag ay ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque Jr., kasunod ng mga ulat na suportado ng mga alkalde sa Metro Manila na magpatupad ng lockdown dahil na rin sa muling pagdami ng COVID-19 cases, at pangamba sa mas nakakahawang Delta variant.
Pero nais umano ng mga alkalde na magkaloob ng ayuda ang pambansang pamahalaan sa mga residenteng mawawalan ng pagkakakitaan para sa panibagong lockdown.
“We assure the Mayors that we are closely monitoring the Delta variant, we are employing whole of nation approach. Hindi basta-basta puwede mag-ECQ sa Metro Manila. Hindi ko po alam kung mayroon tayong ayudang maibibigay,” sabi ni Roque.
“Sixty percent of our GDP (gross domestic product) is from NCR Plus 8. Under a complete lockdown, people will lose jobs. Habang tayo ay nasa moderate risk, hayaan po muna natin magtrabaho ang ating mga kababayan,” dagdag ni Roque, patungkol sa deklarasyon ng Department of Health na nasa ilalim ng moderate risk ng COVID-19 ang Pilipinas.
Ang NCR Plus 8 ay kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Metro Cebu, at Metro Davao.
Nitong Miyerkules ng gabi, inanunsiyo na mananatili ang Metro Manila sa GCQ with heightened restrictions mula Agosto 1-15.
Sa pahayag din nitong Miyerkules, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority chairperson Benhur Abalos, na handa ang mga alkalde ng Metro Manila na magpatupad ng dalawang linggong lockdown basta mayroong ayuda sa mga tao.
Sinabi ni Abalos na ipinaabot niya sa pulong via online nitong Miyerkules kay Pangulong Rodrigo Duterte ang posisyon ng mga alkalde pero huli na nang malaman niya na walang "sound" ang kaniyang mikropono kaya hindi siya nadinig.
"Ang problema ko, mali, wala pala akong volume… Ang haba ko nag-present, wala pa lang volume na lumalabas sa bibig ko,” ayon kay Abalos sa pulong balitaan.
Ayon sa OCTA Research, umaabot na sa 1,000 ang bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa isang araw..--FRJ, GMA News