Arestado ang isang babae sa Antipolo City matapos siyang magpanggap umano na empleyado ng National Housing Authority (NHA) at manghingi ng pera sa mga biktima kapalit ng 100 percent approval ng housing loan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Norma Camacho, 54-anyos, kawani ng social welfare office ng Antipolo City hall.
Makikita sa footage ng Antipolo Police ang pagkasa ng entrapment operation sa isang kainan sa lungsod kung saan nakipagkasundo si Camacho na makipagkita sa complainant na hinihingian niya umano ng pera.
Nang kunin na ni Camacho ang pera, dinakip na siya ng mga pulis.
"Sa kabuuang hinihingi ng suspek po ay nasa halagang P40,000 para mapabilis daw po 'yung pagkakaroon niya ng bahay mula sa NHA. Ang pagkakasabi ng complainant, may previous na rin daw po na transaction na kagayang kagaya rin sa kaniya," sabi ni Police Lieutenant Dominic Blaza, Arresting Officer/Commander ng PCP 2 ng Antipolo PNP.
Kinumpirma ng city hall na empleyado nila si Camacho pero hindi raw lehitimo ang pakikipagtransaksiyon nito sa housing program at ang pagdadala niya sa pangalan ng NHA.
"Noong atin po itong ipa-check, dahil alam po natin sa ngayon wala naman po talaga tayong pabahay na nagmumula ngayon sa NHA, alam po natin na ito po ay isang uri ng panloloko," sabi ni Enrilito Bernardo Jr., PIO Chief ng Antipolo City Hall.
"Hindi po makatotohanan 'yan. Unang una baka magantiyo lang kayo diyan. Maniwala lang ho tayo sa tamang kinauukulan," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Arandia ng Antipolo PNP.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang at iginiit na hindi siya nagpakilalang taga-NHA.--Jamil Santos/FRJ, GMA News