Arestado ang isang lalaki na sangkot umano sa mga serye ng snatching sa Sampaloc, Maynila, matapos siyang dumaan malapit sa barangay hall. Ang suspek, sinubaybayan ng mga tanod habang mino-monitor sa CCTV.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, nahuli-cam sa CCTV ng Brgy. 453 sa Sampaloc ang ginawang paghablot ng snatcher na nakamotsiklo sa clutch bag ng isang senior citizen dakong 8:00 am nitong Martes.
Nakapagsumbong agad ang senior citizen sa barangay hall, kaya pinanood sa CCTV ang snatcher at sinundan ang kaniyang mga dinaanan.
Maya-maya pa, napadaan ang snatcher malapit mismo sa barangay hall kaya dali-daling lumabas ang operator ng CCTV at nagtawag ng mga tanod.
Dito na nila hinabol ang suspek at nadakip.
"Binangga namin ng tricycle, natumba siya. Mambibiktima pa 'yun kaya binangga namin. Nagpambuno na kami, malakas po, apat po kami, halos mabuwag po kami," sabi ni Paul Dacles, tanod ng Brgy. 453.
Kinilala ang suspek na si Rolan Jay Aquino, na dinala ng barangay sa Sampaloc Police na sugat-sugat na ang ulo.
Napag-alaman ng pulisya si Aquino rin ang nambiktima sa 50-anyos na ginang noong isang araw sa Sampaloc din.
Sinabi ng dumakip na barangay tanod na may tatlo pang nagpa-blotter sa kanila na biniktima rin umano ng naturang suspek.
Itinanggi ni Aquino na sangkot siya sa mga nakawan sa Sampaloc, pero inamin niyang siya ang humablot sa gamit ng matanda nitong Martes dahil nakuha sa kaniya ang clutch bag nito na may P260 at ID.
"Sorry po, hindi na po mauulit," anang suspek.
"Para sa pamilya ko, kailangan ko lang sir, pambayad ko sana ng uupahan ko. Wala akong makuhanan [ng ibang paraan eh]," sabi ng suspek.
Nanawagan ang pulisya sa iba pang nabiktima ng suspek na magtungo sa Sampaloc Police Station para magsampa ng reklamo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News