Inihayag ng Department of Health (DOH) na mahigit 15 milyong katao na ang nabigyan ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas. Ang Maynila at Quezon City, mahigit tig-isang milyon na ang nabakunahan, habang dumami naman ang mga nagpapabakuna sa Las Piñas mula nang isagawa ang pa-raffle na house and lot ang grand prize.
Sa COVID-19 vaccination bulletin ng DOH, sinabing hanggang nitong July 18, umabot na sa 15,096,261 doses na ang naiturok sa mga tao na isinasagawa sa 1,297 vaccination sites.
Umaabot umano sa average na 271,426 doses ang naibibigay sa bawat araw sa nakalipas na linggo, mas mababa sa target na 500,000 jabs sa isang araw.
Sa mahigit 15 milyon doses na naibigay na, mahigit 10 milyon ang nakatanggap ng first dose, at 4.7 milyon naman ang naka-dalawang dose o fully vaccinates na.
“To win our race against COVID-19 variants, we encourage senior citizens to get vaccinated and take their second dose as scheduled,” paalala ng DOH.
“Regardless of vaccination status, everyone is urged to continue practicing the minimum public health standards as you may still get infected with COVID-19 and infect other people,” dagdag nito.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 50 milyon hanggang 70 milyong Pinoy sa taong ito para mapahina ang hawahan ng COVID-19.
Ang Quezon City, sinabing 1,165,175 doses ng bakuna ang kanila nang naiturok. Sa naturang bilang, 691,162 ang nabigyan ng kanilang first dose at 474,013 naman ang fully vaccinated na.
Target ng lungsod na mabakunahan ang 1.7 milyon na residente.
Sa Maynila, inanunsiyo naman na hanggang nitong Lunes, mahigit isang milyong bakuna na ang kanilang naiturok simula noong Marso.
Sa naturang bilang, 657,748 ang nakatanggap ng first dose, habang 342,273 naman ang fully vaccinated na.
Patuloy na hinihikayat ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga tao na magpabakuna para malabanan ang pandemic.
Sa Las Piñas City, sinabing tumaas naman ng mahigit 200% ang nagpapabakuna mula nang ipatupad ang programang "May Bahay sa Bakuna" noong nakaraang buwan.
Ayon kay Las Piñas Rep. Camille Villar, umabot na sa 313,045 residente ang nabakunahan, kung saan 100,535 sa mga ito ang fully vaccinated na.
Noong June 14 bago ilunsad ang programang "May Bahay sa Bakuna," nasa 32,971 katao pa lang ang nakatanggap ng dalawang dose ng bakuna.
Sa naturang programa, binibigyan ng raffle ticket ang mga magpapabakuna. Mayroong raffle ng grocery items bawat buwan, at motorsiklo naman at house and lot ang grand prize pagdating sa Disyembre.
Dahil sa pagdami ng nagpapabakuna, nasa 95.74% na umano ang vaccine utilization rate ng Las Piñas na pangalawa pinakamataas sa Metro Manila.— FRJ, GMA News