Tiyak na sina senador Juan Miguel Zubiri at Pasig Mayor Vico Sotto kung anong posisyon ang tatakbuhan nila sa darating na Eleksyon 2022.
Si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, sinabing hihirit siya ng isa pang termino bilang senador. Hanggang dalawang termino ang mga senador na tig-anim na taon ang bawat isa.
Sa Laging Handa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Zubiri na tatakbo siya bilang "independent" candidate.
"Tumatakbo ko bilang independent but we have an alliance with the administration, supportive naman po tayo sa mga administration programs," sabi ni Zubiri.
Idinagdag niiya na tatakbo ring senador sina House Deputy Speaker Loren Legarda, Sorsogon Governor Francis Escudero, at mga kapwa niya re-electionist senators na sina Sherwin Gatchalian at Joel Villanueva .
Sinabi ni Zubiri na tutulungan nila ang isa't isa sa gagawing pagtakbo sa darating na halalan.
Samantala, inihayag ni Pasig Mayor Sotto na katulad na posisyon pa rin ang tatakbuhan niya sa darating na halalan para sa ikalawa niyang termino.
Hanggang tatlong termino maaaring tumakbo ang mga alkalde na may tig-tatlong taon ang bawat isang termino.
"We've made a lot of gains pero sa totoo lang limited ang nagawa namin dahil sa pandemya," ayon kay Sotto sa panayam ng ANC.
Napagtanto umano ni Sotto sa ginawa niyang State of the City Address, na halos napunta sa pagtugon sa COVID-19 pandemic ang kaniyang unang termino bilang alkalde.
"Sa dalawang taong mayor ako, nine months lang yung walang pandemic," saad niya.
"Kumbaga we had nine months to clean things up. Grabe yung pinagdadaanan namin dito," patuloy niya.
Si Sotto ang tumapos sa 27-taon na pamumuno ng pamilya sa Eusebio sa Pasig City nang manalo siya noong 2019 elections.
Si Vico ay anak nina Bossing Vic Sotto at Coney Reyes, at pamangkin ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III, na napapabalitang tatakbong bise presidente sa Eleksyon 2022. --FRJ, GMA News