Nangulelat ang Pilipinas sa listahan ng 134 na mga bansa pagdating sa usapin ng kaligtasan, batay sa inilabas ng isang international business magazine.

Sa summary report ng international business magazine na Global Finance, tatlong dahilan ang sinuri para ideklarang ligtas ang isang bansa:  war and peace; personal security; at natural disaster risk, pati na "unique risk factors stemming from COVID-19."

"Each of these factors was based on 2020 reports that were done in 2021. In order to make sure the data is relevant to current experiences, the COVID-19 scores were derived from data as of May 30, 2021," ayon sa babasahin, na sinabing ginamit din nila ang datos mula sa World Economic Forum at Global Institute For Peace.

Nakakuha ng 14.8999 na puntos ang Pilipinas, na mas mababa pa sa mga bansang Bosnia-Herzegovina (14.1361), Nigeria (14.2778), Guatemala (14.5842), at Colombia (14.8461).

Bagaman nagbago umano ng ranking ang mga bansa pagdating sa usapin ng COVID-19, hindi pa rin nito nabago ang listahan pagdating sa worst-performing countries tulad ng Pilipinas.

"Countries with serious civil conflict that have high risks from natural disaster such as the Philippines, Nigeria, Yemen, and El Salvador all reported relatively low death tolls from COVID-19, yet performed poorly in terms of safety overall," paliwanag ng Global Finance.

Ayon sa United Nation, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa na pinakahinahagupit ng kalamidad sa nakaraang 20 taon.

Nanguna ang Iceland sa listahan ng "safest countries" na nakakuha ng 3.9724 puntos, at sinundan ng United Arab Emirates (4.2043), at Qatar (4.5609).

Hindi naisama ng Global Finance sa ulat ang Bhutan, Belarus, Sudan, Kosovo at Somalia, dahil nawawala umano ang datos ng mga ito.

Inihayag din ng babasahin na posibleng hindi sapat ang mga ulat at datos sa ilang bansa tulad ng numero ng mga nasasawi sa COVID-19 na inilalabas mismo ng bawat gobyerno.

"These rankings and scores should be taken with a grain of salt compared to previous editions. While the fundamental factors rely on concise reports produced by NGOs and international organizations, the Covid-19 death tolls and the vaccination rates are largely based on self-reporting by governments," ayon sa Global Finance. — FRJ, GMA News