Inihayag ng opisyal ng Food and Drug Administration (FDA) na "mukhang" tunay at hindi peke ang naging paunang pagtingin sa mga doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na nakumpiska kamakailan ng mga awtoridad sa tatlong tao para umano ibenta. 

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo, na dinala sa FDA kamakailan ang mga bakuna para suriin.

"Ang tingin naman una ng ating mga ahente eh mukhang tunay na bakuna siya," ayon sa opisyal.

Pero hindi na raw maaaring gamitin ang nasabat na mga gamot dahil hindi na garantisado ang integridad nito matapos na ibiyahe.

Ipinaliwanag ng opisyal na batay sa nakita sa video, nakabukas ang packaging ng ilan sa mga gamot at nakalagay lang sa cooler na may yelo sa likod ng sasakyan.

“Hindi na maaaring gamitin 'yan… Hindi mo na kasi alam ‘yung integrity ng cold chain, ng pagha-handle niyan at ‘pag ganyang merong doubt, hindi na po natin pinapayagang gamitin sa tao ang ganyan po na mga bakuna,” paliwanag ni Domingo.

Inaalam na umano ng mga awtoridad kung saan nanggaling ang mga gamot kung ipinuslit ba sa bansa o kinuha sa mismong suplay ng mga bakunang kinukuha ng Pilipinas.

Nanawagan si Domingo sa publiko na isumbong kung may malalaman silang nagbebenta ng COVID-19 vaccine.

Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation kamakailan ang tatlong nagbebenta umano ng COVID-19 vaccines--kabilang ang isang nurse sa Maynila-- dahil tanging ang gobyerno lang ang maaaring kumuha nito at bawal din na ipagbili sa merkado.

Nagbabala rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagbebenta ng COVID-19 vaccine na huwag nila sagarin ang kanilang suwerte.—FRJ, GMA News