Inungkat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dating naging problema ni Senador Manny Pacquiao tungkol sa buwis. Pero paglilinaw ng pangulo, wala siyang planong habulin ang senador tungkol sa naturang usapin.
Ginawa ni Duterte ang pag-ungkat sa sinasabing tax liability ni Pacquiao na umaabot umano sa P2.2 bilyon sa ginanap na pulong ng PDP-Laban nitong Martes.
"I do not talk about the others... Ito lang si Pacquiao because out of the blue he blurted out na corrupt so I am forced to... By the way, mayroon akong... I remember he has a tax evasion case," sabi ni Duterte.
"He has been assessed to pay P2.2 billion ang utang niya na hindi niya nabayaran [buwis] ang gobyerno," patuloy ng pangulo.
Hindi binanggit ni Duterte ang detalye tungkol sa mga buwis na hindi raw nabayaran ni Pacquiao.
Pero noong 2018, nakakuha ng paborableng desisyon si Pacquiao sa Court of Tax Appeals tungkol sa P2.2 bilyong tax assessment.
Sa naturang desisyon noong July 2018, pinigilan ng First Division ng tax court ang Bureau of Internal Revenue sa pagkolekta sa multi-billion-peso tax deficiency laban kay Pacquiao at sa asawa nito na si Jinkee para sa taong 2008 at 2009, habang nakabinbin ang civil case.
Noong July 2013, naglabas ang pinuno noon ng BIR na si dating Commission Kim Jacinto-Henares ng freeze order laban sa kita ni Pacquiaos kaugnay ng kaniyang tax liability na nagkakahalaga ng P2.26 bilyon. Lumobo ito sa P3.3 bilyon dahil sa penalties at surcharges.
"Respondent is hereby ordered to cease and desist from implementing the subject FDDA (Final Decision on Disputed Assessment) and from collecting the subject deficiency tax assessments issued against petitioners for taxable years 2008 and 2009 for lack of merit," nakasaad sa resolusyon ng CTA noong July 27, 2018.
Nilinaw ni Duterte na ginawa niyang banggitin ang tungkol sa usapin ng buwis ni Pacquiao dahil sa pahayag ng senador tungkol sa katiwalian sa gobyerno.
"Not because gusto ko siya habulin but sabi kasi niya corrupt. E, kung corrupt kami, e ikaw, when you cheat government you are a corrupt official," anang pangulo na aalamin daw ang buong detalye tungkol sa usapin.
Nauna nang ipinaliwanag ni Pacquiao na ang mga pahayag niya tungkol sa katiwalian sa ilang ahensiya ay para tulungan si Duterte sa paglaban sa korupsiyon at hindi para atakihin ang gobyerno. —FRJ, GMA News