Namatay sa ospital ang isang lalaking nagpapahinga lamang matapos siyang mapagkamalang target at barilin ng gunman sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV sa Brgy. 119 noong Hunyo 29 ang paglapit ng gunman sa kaniyang target na nasa likod ng lona, na isang lalaking nakahiga sa folding bed.
Dinaanan pa muna ng gunman ang kaniyang target para makasiguro na tama ang kaniyang babarilin.
Pagbalik ng salarin, binunot na niya ang kaniyang baril at malapitang pinaputukan ang biktima.
Nagawa pang makatakbo ng binaril na lalaki at naisugod pa sa ospital pero binawian rin siya ng buhay nitong Lunes.
Kinilala ang biktima na si Ranillo Pangilinan, Jr., 36-anyos.
"Isa siya roon sa mga personality na binabantayan namin kasi na-involve din siya sa mga nakawan ng motor. Nahuli na rin 'yun sa drugs," sabi ni Police Lieutenant Rowell Robles, Commander ng Don Bosco PCP, MPD.
Hindi pa naaaresto ang gunman pero nitong Martes, may hinuli ang Don Bosco PCP na dalawang lalaki na may kinalaman umano sa pagpatay.
Kabilang ang mga dinampot sa nakunan ng CCTV na kasama ng gunman hindi kalayuan mula sa crime scene ilang oras bago mangyari ang pamamaril.
Edad 21-anyos lamang ang isa, na naghatid sa gunman papunta sa lugar ng pamamaril. Hindi siya kinilala ng GMA News dahil naimbitahan lang siya para kuwestiyunin.
Nagsilbi namang lookout si Bryan Dela Cruz, at umaming siya ang nagturo sa gunman kung sino ang target. Gayunman, maling tao ang binaril ng gunman.
"Nagkamali po, kasi po 'yung pagturo ko po, siya po 'yung nakahiga. Pero nu'ng pagbalik po ng gunman, iba na po 'yung nakahiga, 'yung Ranillo na po," sabi ni Dela Cruz, kasabwat ng gunman.
Kasamahan umano nila sa pangkat na Batang City Jail ang binaril na si Pangilinan, pero ang dapat nilang target ang isa rin nilang kagrupo na nambudol umano sa misis ng gunman.
"Sila-silang magkakagrupo ang nagkakaroon ngayon ng iringan. Ang tinitingnan po rito, sabi kasi nila, lokohan sa bilihan," sabi ni Dela Cruz.
May lead na ang mga awtoridad sa gunman at iba pang sangkot sa pagpatay.
Mahaharap sa kasong illegal possession of firearms si Dela Cruz nang mahulihan ng baril. Aalamin naman ng MPD-Homicide Section kung may pananagutan ang 21-anyos na suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News