Pinayagan na ulit ni Manila Mayor Isko Moreno ang walk-in sa pagbabakuna matapos langawin ang mga bakunahan sa lungsod nitong Lunes.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras," sinabing lumuwag ang ilang bakunahan sa Maynila matapos ipagbawal ni Moreno kaninang umaga ang pagwa-walk-in sa mga bakunahan dahil nagkakaroon ng mahabang pila at kaguluhan.
Pero binawi rin ito ni Moreno kinahapunan dahil hindi nagsidatingan ang mga naka-schedule na babakunahan.
Nadismaya raw si Moreno nang pumunta siya sa mga bakunahan at makitang walang mga tao.
"Kaya ako sumugod dito kasi kanina pa ako nagmo-monitor, 22 sites, nilalangaw," ani Moreno.
Dahil dito, pinayagan na ulit ni Moreno ang walk-in.
Samantala, ang ilang mga pinauwi kanina ang naglabas ng sama ng loob matapos hindi sila mabakunahan.
"Samantalang dati, naghahanap kayo ng gustong turukan, wala nagpaturok. Ngayong nandito na ang mga tao, available na, ayaw silang turukan," anang isang residente.
Sa Facebook page ng alkalde, inanunsyo ang mga lugar na pagdarausan ng mass vaccination para sa isang first dose ng bakuna na kinabibilangan ng A1, A2, A3, A4, at A5 priority groups.
Isasagawa ang pagbabakuna sa iba't ibang lugar pati na sa apat na mall at anim na school sites.
"Idaraos po ang pagbabakuna hanggang 8pm. Hinihikayat namin ang lahat na magtungo sa ating vaccination sites sa iba pang mga oras upang makaiwas sa siksikan. Nais po naming matiyak ang kaligtasan ninyo," panawagan ng alkalde. --Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News