May posibleng kandidato na sa pagka-pangulo at mga senador ang Nationalist People's Coalition (NPC) para sa gaganaping halalan sa 2022, ayon kay Senate President Vicente Sotto III, na tumatayong chairman ng partido.
Sa Zoom interview, sinabi ni Sotto na posibleng si Senador Ping Lacson ang gawing standard bearer ng NPC kung magdedesisyon ang huli na tumakbo sa 2022.
"That is a possibility but I cannot speak for my entire party at this point when it comes to a presidential candidate. I can get the support of the majority of them but I cannot dictate on my part whom they should support," paliwanag ni Sotto na dati nang nagsabi na interesado siyang tumakbong bise presidente kung si Lacson ang kaniyang katambal sa halalan.
Dati naman sinabi ni Lacson na hindi pa siya nakapagpapasya kung sasabak sa Eleksyon 2022 matapos ang kaniyang termino bilang senador.
Ayon kay Sotto, ang partido ang magpapasya kung sino ang kanilang magiging pambato sa halalan.
Pambato sa Senado
Samantala, inihayag din ni Sotto ang ilan sa mga posibleng maging kandidato ng NPC sa senatorial race.
Kabilang dito sina Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan at dating senador JV Ejercito.
"As of now, that’s what I heard," sabi ni Sotto. "Greg has always been an independent but adopted."
Kinumpirma naman ni Ejercito ang plano niyang sumabak mula sa senatorial race matapos mabigo noong 2019 elections.
"I wanted to run because of my advocacy and unfinished business, and if funds are permitting," saad niya.
Nauna nang sinabi ni Sotto na kasama rin sa mga magiging kandidato ng NPC ang mga dating senador na si Antique Representatives Loren Legarda at Sorsogon Governor Chiz Escudero.
Re-electionist senator naman sa 2022 si Senador Sherwin Gatchalian, na miyembro ng NPC.--FRJ, GMA News