Itinaas ng pamahalaan sa 6,500 mula sa kasalukuyang 5,000 ang bilang ng mga Pinoy health workers na puwedeng ipadala sa ibang bansa.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang mga health workers na ipadadala sa ibang bansa ay may perfected contracts hanggang May 31.

Hindi naman kasama sa bagong patakaran ang mga healthcare workers na nakapaloob sa government-to-government labor agreements.

Ginawa ang naturang desisyon matapos ihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nitong June 1 na nasagap na ang 5,000 cap sa mga new hires para sa healthcare workers na ipadadala sa ibang bansa.

Kasunod nito ay nanawagan ang Filipino Nurses United (FNU), sa pamahalaan na alisin na ang deployment cap sa mga nurse at ibang pang healthcare workers.

Ipinatupad ang naturang limit sa deployment of healthcare workers noong Enero 1, 2021.

Inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang limit, kasunod naman ng pag-alis sa temporary suspension ng overseas deployment ng mga nurse at iba pang health workers dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Ipinatupad naman noon ng pamahalaan ang deployment ban para matiyak na sapat ang Filipino healthcare workers sa bansa sa panahon na mataas ang kaso ng hawahan sa virus.--FRJ, GMA News