Nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 15 babaeng masahista na nag-aalok umano ng “extra service” sa kanilang mga kliyente sa Maynila. Ang mga babae, naibu-book daw sa pamamagitan ng social media.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, apat na babae na nasa lobby isang hotel ang unang nasagip ng NBI.
Mga masahista umano ang mga babae na "door-to-door" ang inaalok na serbisyo pero nauuwi sa prostitusyon dahil sa alok na "extra service."
“Wala silang mine-maintain na spa clinic, pero mine-maintain nila ‘yung mga babae sa isang lugar at doon mayroong receptionist na siya ang tumatanggap ng mga pera o bayad doon sa mga babae na nai-book sa social media platform,” ayon kay Atty. Janet Francisco, NBI anti-human trafficking division chief.
“The only thing you have to do is to prepare the hotel or place where the massage will take place and that’s it. Dadalin na doon ‘yung masehista o ‘yung victim at hatid-sundo ito ng inupahan nila na driver,” dagdag ng opisyal.
Samantala, 11 babaeng masahista naman na nag-aalok din umano ng “extra service” ang nasagip sa isang spa sa Maynila.
Nagsasagawa na ng "backtracking" ang NBI sa iba pang nasa likod ng naturang modus na lubha umanong mapanganib dahil sa peligro ng hawahan ng COVID-19 ngayong mayroong pandemic.
“Matagal na itong ginagawa, itong facilitator na ito, at dahil dito ay kakasuhan namin siya ng violation ng anti-human trafficking in relation doon sa cyber prevention act dahil nga ‘yung pag o-offer nila ay ginagawa nila through Facebook or other social media platforms,” ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News