Sinabi ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel na dapat umalis sa kanilang partidong PDP-Laban ang mga kasamahan na ang presidential candidate na nais suportahan sa 2022 election ay hindi nila miyembro.

Ayon sa senador, pinuno ng ruling party, isang pagtataksil at kawalan ng tiwala sa mga kapartido kung "outsider" ang susuportahan ng kanilang miyembro.

“Number one, in the party, hindi namin ine-encourage ang personality-based politics. Dapat ang sundin namin is the party ideology," anang senador sa panayam sa telepono.

"Number two, kung mahal nila party nila, maniwala sila sa party nila na merong sufficient talented people within the party who could lead this nation. Huwag ‘yung nakatingin sa labas ng partido agad,” patuloy pa niya.

Itinuturing din ni Pimentel na walang loyalty ang mga miyembro kung ibang kandidato ang mamanukin na hindi kasapi ng PDP-Laban.

“Para namang walang pagmamahal, walang loyalty at walang bilib sa sariling party. Kung ganyan na lang, 'di lumipat ka na lang du’n sa partido na bilib ka or sa partido ng personality na sinusundan mo,” sabi niya.

Bagaman lumulutang ang pangalan ni Sen. Manny Pacquiao, acting president ng PDP-Laban, na posibleng tumakbong pangulo sa 2022 elections, sinabi ni Pimentel na wala pa talagang desisyon ang una.

Una rito, sinabi ni PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac, na dapat manggaling sa kanilang partido ang kanilang magiging standard bearer.

Kamakailan lang, isang resolusyon ang inaprubahan ng partido na naghihikayat sa kanilang chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong bise presidente sa 2022 election.

Binibigyan din ng kalayaan si Duterte na pumili kung sino ang nais niyang maging katambal o standard bearer.--FRJ, GMA News