Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na susuportahan niya si House Majority Leader Martin Romualdez kapag nagpasya ang kongresista ng Leyte na tumakbong bise presidente sa Eleksyon 2022.
Ayon sa Punong Ehekutibo, ipinangako niya noon kay Romualdez na makukuha ang kaniyang basbas sa susunod na halalan.
“Another serious contender [for speaker] was Congressman Romualdez. Sabi ko, huwag ka na maghabol riyan. Next election, if you run for Vice President, I will support you,” pahayag ni Duterte nang pirmahan niya ang apat na bagong batas nitong Miyerkules sa Palasyo.
“That is to break the impasse. I gave my word to Romualdez. 'Pag tumakbo siya [for Vice President], count me out. Because I promised him. That is the formula,” ani Duterte.
Bago nito, isang resolusyon ang inaprubahan ng ruling party na PDP-Laban na hikayatin si Duterte na tumakbong bise presidente sa 2022 elections.
Sa naturang resolusyon, binibigyan din ng kalayaan si Duterte na pumili kung sino ang nais niyang maging katambal bilang kandidatong presidente ng partido.
Si Duterte ang chairman ng PDP-Laban, habang acting presidente naman si Senador Manny Pacquiao, na isa sa mga lumilitaw sa survey na posibleng tumakbong pangulo sa 2022.
Opisyal naman ng Lakas-CMD si Romualdez, na kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sa Palasyo nitong Miyerkules. --FRJ, GMA News