Sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakasalalay sa magiging desisyon ni Vice President Leni Robredo, kung tutuloy siya o hindi sa pagtakbong pangulo sa 2022 elections.
Kasama sina Trillanes at Robredo sa anim na pinagpipilian ng opposition coalition na 1Sambayan bilang presidential at vice presidential candidate sa 2022.
Kasama rin sa pinagpipilian sina Senator Grace Poe, Representatives Eduardo Villanueva at Vilma Santos-Recto, at Atty. Chel Diokno.
“My decision to run for any office is hinged on the decision of VP Leni. Now, on the assumption that she gets picked as the presidential nominee of 1Sambayan, then it is her prerogative to choose her running mate,” ayon kay Trillanes sa panayam ng CNN Philippines.
“I’m prepared not to run at all and just push for her candidacy, but if she would tap me as her running mate, then I’d be ready for it,” dagdag ng dating senador.
“When we submitted ourselves to be part of this coalition, gano’n ‘yun. Even if it doesn’t go your way, you still have to be supportive, 100%,” dagdag pa ni Trillanes.
Sa ngayon, wala pang desisyon si Robredo kung tatakbong pangulo.
Binigyan-diin ni Trillanes ang kahalagahan na isang kandidato lang ang itatapat ng oposisyon sa pambato ng administrasyon sa 2022 elections.
Sen Poe bilang VP?
Samantala, sinabi ni Trillanes na bukas si Poe na tumakbong bise presidente kahit tumangging maging nominado sa pagka-presidente ng 1Sambayan.
“Kaibigan naman po natin si Sen. Grace Poe. Very definitive siya about not running for president but she remains open to run for vice president. Hindi ito parang set in stone for her; she’s still weighing her options but for vice president only,” paliwanag ni Trillanes.
Una rito, bukod kay Poe, nagpasabi rin si Santos-Recto na wala siyang plano na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022 elections.— FRJ, GMA News