Puwede nang lumabas ng bahay ang mga nakatatanda o senior citizens na nakatanggap na ng dalawang dose ng COVID-19 vaccine na nasa mga lugar na nakapailalim sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
Inihayag ito ni presidential spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes, matapos umanong mapagpasyahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagpupulong nitong Huwebes.
"Subject ito sa mga kondisyon tulad ng pagdadala ng duly issued vaccination card at pagsunod sa minimum heath protocols," ayon kay Roque.
Gayunman, bawal pa rin ang "interzonal travel" sa mga fully vaccinated senior citizen, maliban na lang kung point-to-point ang gagawing pagbiyahe.
Sa hiwalay na media briefing, pinaalalahanan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na dapat sundin pa rin ng mga senior citizen ang health protocols laban sa COVID-19 kahit fully vaccinated na sila.
“Pinapayagan po ng ating gobyerno na makalabas na ang ating mga senior citizens starting June 16 na fully vaccinated, ‘yun lang pong may dalawang doses ng bakuna,” anang opisyal.
“Pero kailangan mag-iingat po kayo, kayo po ay dapat susunod pa rin sa ating minimum public health standards para hindi po tayo nagkakaroon pa ng impeksyon… [o] makapanghawa,” dagdag niya.
Hanggang nitong June 8, nasa 415,540 nakatatanda pa lang ang fully vaccinated. Una nang sinabi ng DOH na tinatayang nasa siyam na milyon ang senior citizen sa bansa.
Hinimok nina Roque at Vergeire ang mga senior citizen na magpabakuna na dahil niluluwagan na ang pagkilos ng mga taong fully vaccinated na.
Bago nito, nananatiling ipinagbabawal sa mga nakatatanda na lumabas ng bahay maliban kung "essential" ang pakay upang hindi mahawahan ng virus.
Ang mga nakatatanda kasi ang higit na peligroso na mahawahan at malagay sa kritikal na kondisyon kapag tinamaan ng COVID-19.—FRJ, GMA News