Nilinaw ni Attorney Barry Gutierrez na hindi si Vice President Leni Robredo ang nagsulong na gumawa sila ng infomercial ni Pangulong Rodrigo Duterte para hikayatin ang mga Pinoy na magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Ginawa ni Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, ang paglilinaw matapos sabihin ni presidential spokesman Harry Roque sa Talk to the Nation nitong Miyerkules ng gabi, na nagboluntaryo ang pangalawang pangulo na lumabas sa vaccine ad kasama si Duterte.
“Ngayong napakita natin na marami nang nagpapabakuna eh bigla namang nag-volunteer, gusto raw n'yang um-appear sa infomercial kasama kayo [Duterte]. Sa loob-loob ko, matapos tayong siraan nang siraan, ngayong nagiging matagumpay ang vaccination eh makikisama ngayon,” sabi ni Roque sa naturang pulong na dinaluhan din ng ilang miyembro ng Gabinete.
“’Yan po ay desisyon ninyo. Ang sabi po ng ating bise president eh nais nya kayong makasama sa infomercial para sa vaccine confidence. Sabi po natin ay pag-aaralan ninyo kung anong kontribusyon na maibibigay ng ating bise presidente dahil alam naman natin na isa s'ya sa pinakamaingay na kritiko sa lahat ng ating ginawa,” dagdag pa niya.
Hindi naman tumugon si Duterte sa sinabi ni Roque.
Sa post ni Gutierrez sa Twitter, sinabi nito na: "Fact: VP Leni never 'pushed' to have a joint infomercial with the President, and Sec Roque is lying if he insists that she did."
"Opinion: Someone who habitually lies is probably someone you shouldn't trust," dagdag ni Gutierrez.
Matatandaan na si Senador Joel Villanueva ang mungkahing magkaroon ng vaccine ad na magkasama sina Duterte at Robredo upang mahikayat ang mga tao ang magpabakuna.
Nang hingan noon ng komento si Gutierrez sa pahayag ni Villanueva, sinabi niya na bukas si Robredo sa lahat ng mungkahi kung makatutulong para magtiwala ang publiko sa bakuna.
"Kung may magri-reach out sa kanya at magsasama sila ni Pangulong Duterte para magkaroon ng infomercial para lalong ma-enganyo ang ating mga kababayan na magpabakuna sa lalong madaling panahon, eh bukas ho siya d’yan," sabi ni Gutierrez sa isang panayam. --FRJ, GMA News