Mula sa dating record high na 153,809 active cases ng COVID-19 noong Abril, bumaba na sa 49,951 ang mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling sa virus, ayon sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.
Ayon sa DOH, nakapagtala ng 4,700 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, para sa kabuuang bilang na 1,159,071 na mga kaso mula nang magkaroon ng pandemiya.
SAPitong laboratoryo umano ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos.
Nadagdagan naman ng 6,986 ang mga bagong gumaling para sa kabuuang bilang na 1,089,613 . Gayunman, 136 pasyente pa ang pumanaw, na nagpaakyat sa 19,507 na mga buhay na nasawi dahil sa mga komplikasyong dulot ng virus.
Ayon pa sa DOH, bumaba na sa 49,951 ang mga aktibong kaso, na pinakamababa sa nakalipas na dalawang buwan.
Noong Abril 2, pumalo sa 153,809 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, na dahilan para mapuno ng pasyente ang maraming ospital sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Dahil sa pagtaas ng hawahan, nagpatupad ang pamahalaan ng mas mahigpit na enhanced community quarantine sa tinatawag na NCR plus.
Sa pagsisimula ng Mayo 1, naibaba ang mga aktibong kaso sa 72,248.
Sa datos ng DOH nitong Miyerkules, nakasaad na sa 49,951 na aktibong mga kaso, 92.8% ang "mild" cases, 2.2% ang "asymptomatic," 2.1% ang "severe," at 1.5% ang "in critical condition."
“Moreover, 88 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation,” ayon sa DOH.
Una rito, inihayag ng OCTA Research group na bagaman bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, napansin naman ang pagtaas ng hawahan sa ilang lalawigan.—FRJ, GMA News