Sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na hindi kailangang kumuha ng permit sa lokal na pamahalaan ang mga magtatayo ng community pantries.
Ayon sa kalihim, kailangan lamang makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan ang mga maglalagay ng community pantries.
"There is no requirement for a permit. But organizers must coordinate with the LGUs. This is a local issue and we defer it to the LGU concerned," paliwanag ni Año sa text message sa GMA News Online.
Una rito, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, na kailangang may permit ang mga community pantries para matiyak na maipatutupad ang health protocols dahil sa peligro sa COVID-19 pandemic
Una nang sinabi ni Año na hindi dapat pakialaman ng mga pulis at at local government officials ang community pantries na inorganisa ng mga pribadong tao.
Ginawa ni Año ang pahayag kasunod ng ulat ng umano'y "red tagging" at profiling na ginagawa ng ilang pulis.
Itinanggi naman ng pamunuan ng Philippine National Police na may direktiba sila na magsagawa ng profiling sa mga nasa likod ng community pantries.
Ayon kay Año, dapat lang tiyakin ng pulisya na maipatutupad ang minimum health standards sa mga community pantries, at makikialam lang ang pulis kung may paglabag sa batas na nagaganap. --FRJ, GMA News