Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos silang magnakaw umano ng e-bike at makipaghabulan pa sa mga opisyal ng barangay na sumita sa kanila sa Maynila.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Emmanuel Fermin at William Angeles.

Ayon sa kapitan ng Barangay 762 na si Jet Fabian, malayo pa lang ay mayroon na siyang hinala na nang makita ang tricycle na hinahatak ang isang e-bike.

Pagkarating ng tricycle sa checkpoint, pinara ito ni Fabian. Pero sa halip na huminto, humarurot palayo ang mga salarin sakay ng tricycle at iniwan na ang e-bike.

Nauwi ito sa habulan ng mga suspek at mga tauhan ng barangay.

"Nagtaas naman ho sila ng mga kamay, sumuko naman. Pero noong una pumapalag, wala raw silang ginagawang masama," sabi ni Fabian.

Itinanggi pa ng mga suspek sa simula na magnanakaw sila.

"Nangyari na po eh, napasama na lang po ako eh," sabi ni Fermin. "Nadala lang po kami sa alak," ayon naman kay Angeles.

Hindi naman nakumbinsi ang may-ari ng e-bike sa mga dahilan ng suspek.

"Wala pong magnanakaw na umamin sa kaniyang kasalanan po. Kahit nakikita na, todo po tanggi. Sampung buwan pa lang po nahulugan, kulang pa po ng walong buwan tapos nanakawin na?" sabi ng may-aring si Arlene Rosario, na nabili ang e-bike sa halagang P75,000.

Nakuha mula sa mga salarin ang gunting at pekeng susi na ginamit sa pagnanakaw.

Natagpuan sa tricycle na pagmamay-ari ng isa sa mga suspek at ginamit na getaway vehicle ang dalawang baterya ng e-bike, pero hindi matukoy ng mga suspek kung saan ito nanggaling.

"Isinakay lang po namin 'yan eh," sabi ng suspek na si Benjie Fernandez.

Ilang saglit pa, isang lalaking taga-kabilang barangay ang napasugod matapos siyang manakawan umano ng e-bike nito lang linggo.

Desido ang ang mga biktimsa sampahan ng reklamo ang mga suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News