Pinatay sa saksak at pinagnakawan ang isang 24-anyos na babae ng driver ng isang ride-hailing app at kasabwat nito sa Quezon City. Ang biktima, nagtaka raw na ibang sasakyan ang dumating para ihatid sana siya sa kaniyang uuwian.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Carlota Antasuda, isang fast-food chain managerial trainee .
Abril 1 nang mag-booked ang biktima sa Grab sa Commonwealth, Quezon City at magpapahatid sa Pasig.
Pero ibang sasakyan ang dumating na ipinagtaka ng biktima.
Sa testimonya ng naarestong driver na si John Lester Alhambra, idinahilan niyang nasiraan ang kaniyang sasakyan na gamit sa booking, ayon kay QCPD chief Police Major Elmer Monsalve.
Tinanggap umano ng biktima ang paliwanag ng suspek at sumakay sa sasakyan. Pero pagsakay pa lang, tinutukan na raw ng suspek si Antasuda.
Kasunod nito ang paglabas ng kasabwat ni Alhambra na nagtatago sa likod ng sasakyan na si Brian Kenneth Humol.
“Dapat makakalabas pa nga raw it ito. Ang ginawa nitong driver, nung lalabas, tumakbo ulit paikot, isinara ‘yung pinto, tinulak papasok itong babae, itong biktima, hanggang sa nag pangbuno na doon,” ayon kay Monsalve.
“Habang nagpapangbuno sila, ang ginagawa nitong isang suspect, saksak ng saksak para bumitaw sa kanya. Hanggang sa tumumba na lang,” dagdag ng opisyal.
Iniwan ng mga suspek ang katawan ng biktima sa Barangay Sauyo sa Quezon City noong hatinggabi ng April 2.
Habang ang pamilya ni Antasuda, iniulat na sa pulisya ang pagkawala ng anak.
Pero dahil nakausap pa nila ang biktima bago ang krimen at naipadala ang tracking locator ng sasakyan ng mga suspek, unang nadakip si Alhambra.
“Umamin na siya at tinuro na niya ‘yung kasama niya… na siya driver lang pero hindi siya sumaksak,” ayon kay Monsalve.
Sunod na naaresto sa entrapment operation si Humol.
“Una, pagnanakaw lang. Kaya lang nauwi sa pagpatay dahil nga pumalag itong babae, lumaban sa kanila,” ani Monsalve.
Sa pahayag ng Grab Philippines, ikinalungkot nila ang pangyayari at nag-aabot ng pakikiramay at tulong sa pamilya ng biktima.
Patuloy din daw silang nakikipagtulungan sa pulisya kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.
Iginiit din nila na mahalaga sa kanila ang kaligtasan at proteksyon ng mga pasahero.--FRJ, GMA News