Isang nurse na nakatalaga sa emergency room ng isang ospital sa Quezon City ang nagpositibo sa COVID-19 at nahawahan niya ang kaniyang inang senior citizen. Ngunit hindi na niya mahanapan ng ospital na puwedeng ma-admit ang kaniyang ina dahil punuan na.
Sa ulat ni Corrine Catibayan sa "24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing "mild" lang ang epekto ng virus sa nurse na si Nemray Mislang, na nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
“Eh, kaso nga lang ‘yung mother ko kasi nag-positive din siya. Hinahanapan ko siya ng hospital pero wala talaga sa buong NCR,” pahayag ni Mislang.
Nasa "waiting list" ng pinagtatrabahuhan niyang ospital ang kaniyang ina. Kaya naman ginawa na lang niyang "ward" ang kanilang bahay para maalagaan niya ang kaniyang ina.
Mayroon silang IV tube at oxygen tank para matulungan sa paghinga ang kaniyang ina na "moderate to severe" case ang kalagayan.
Bago magpositibo, mahigit 16 na oras na naka-duty sa trabaho si Mislang at umaabot sa 10 pasyente ang inaalagaan niya.
“Once na kami ‘yung nagkasakit or ‘yung family member namin ‘yung nagkasakit, sino ang mag-aalaga sa amin or sa kanila? Hindi naman namin puwedeng basta-basta isipin na pasyente lang sila,” pahayag niya.
“Siyempre, extra, double ‘yung care mo sa kanila at pag-aalaga. Nakakapanghina pero laban lang,” dagdag niya.
Dahil sa paglobo ng COVID-19 cases nitong nakaraang buwan, napupuno na ang mga ospital sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan. Kaya naman marami sa mga pasyente ang hirap nang makapasok sa mga ospital. — FRJ, GMA News