Patay ang apat na katao matapos mahulog ang sinasakyan nilang kotse mula sa tulay na walang harang at warning sign sa Ragay, Camarines Sur.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang mga biktima na sina Melchor Dejillo, ang driver na nagtamo ng bone fracture at head injury, Salve Dejillo, Mary Ann Morata at Kriza Dejillo, 15-anyos.
Sa naturang ulat, makikita na pinagtulungang hatakin ng mga awtoridad ang kotse ng mga biktima na nahulog sa Barangay Panaytayan.
Naiangat ang wasak na kotse pero hindi na naisalba pa ang buhay ng mga biktima.
Sinabi ng mga awtoridad na posibleng nalunod din ang mga biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na galing ang mga biktima sa Naga City at pauwi na sana sa Barangay F. Simeon.
Pero pagdating ng sasakyan sa ginagawang tulay na may 20 metro ang taas, nagdire-diretso na ito sa ilog.
Ayon sa NDRMO Ragay, matagal na nilang sinabi sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng warning sign at harang sa tulay.
Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng DPWH pero tumanggi silang magbigay ng pahayag. — Jamil Santos/DVM, GMA News