Sariwa pa rin sa alaala ng pamilya Julian ang malungkot na sinapit ng kanilang munting anghel na pumanaw nang hindi kaagad natanggap sa ospital dahil sa dami ng mga pasyente.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ikinuwento ni Jonald Julian, na nagsusuka at nilalagnat noong Pebrero 25 ang kaniyang anak na si Jonalyn kaya isinugod nila sa ospital.
Pero ang ambulansiya na sumundo sa kanila, kulang ang kagamitan kaya sila na mismo ang nagbobomba ng oxygen para matulungan sa paghinga ang bata.
Ang unang ospital pa na kanilang napuntahan, hindi tinanggap si Jonalyn dahil puno na raw ng mga pasyente.
"Isang oras kami sa labas, para kaming.... yung palaboy ba na kami pa yung nagpu-pump sa loob ng ambulansiya ng anak namin para lang mabuhay. Pero dinadaan-daanan lang po nila kami tapos sasabihin wala raw bakante," hinanakit ni Julian.
Nang makahanap na sila ng ospital, huli na dahil unti-unti nang humihina ang tibok ng puso ng bata hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.
Dahil sa suspected COVID-19 patient ang bata, kaagad siyang inilibing.
Makalipas ng isang buwan matapos ang malungkot na pangyayari, lumitaw na walang COVID-19 ang bata at sepsis ang kaniyang ikinamatay.
Ang hiling ng pamilya Julian, matugunan ng mga kinauukulan ang kanilang naging sitwasyon upang hindi na mangyari sa ibang pamilya.— FRJ, GMA News