Isang driver na senior citizen ang kumobra ng P15,840,000 na jackpot prize na kaniyang tinamaan sa SuperLotto 6/49 draw noong Pebrero 23, 2021.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing sa Cainta, Rizal tinayaan ng driver ang tiket na may winning combination na 49-11-09-17-27-14.
Kasama ng masuwerteng mananaya ang kaniyang anak at manugang nang kunin umano kamakailan ang premyo sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard Mandaluyong City.
Ayon sa driver, 12 taon na siyang tumataya ng lotto at kombinasyon ng mga kaarawan ng kaniyang mga anak ang kaniyang tinayaang numero at matagal na niyang "inaalagaan."
Sa kaniyang napanalunan na mahigit P15 milyon, bibili umano ang driver ng bahay at lupa upang magkaroon na sila ng sariling tirahan at nang hindi na sila mangungupahan.
Paalala naman ng PCSO, may kaakibat na 20 percent tax ang napanalunang jackpot prize alinsunod sa TRAIN LAW.
Sa Superlotto 6/49 draw nitong Huwebes, Marso, 25, walang tumama sa winning combination na 03-12-34-39-19-36, na may premyong P15,840,000.
Hindi rin tinamaan ang kasabay nitong Lotto 6/42 draw na P56.483 milyon ang premyo, at ang winning combination ay 27-04-17-31-39-16.--FRJ, GMA News