Dahil sa panibagong paghihigpit na ipinatupad sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan, isinusulong sa Senado at maging sa Kamara de Representantes ang panibagong pinansiyal na tulong sa mga apektadong mamamayan.
Sa privilege speech ni Senador Bong Go nitong Miyerkules, sinabi ng mambabatas na umapela siya kay Pangulong Rodrigo Duterte at maging sa ilang miyembro ng Gabinete na magbigay ng ayuda sa mga mahihirap na apektado ng panibagong paghihigpit.
"Hanapan natin ng paraan na mabigyan ng dagdag na ayuda ang lahat ng ating mga kababayang nangangailangan. Hindi lang po sana dito sa NCR o sa katabing mga probinsya lamang. Buong Pilipinas po sana," ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health.
"This is why I appealed to President Rodrigo Duterte, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Wendel Avisado, and other concerned national government agencies to provide additional assistance to poor Filipinos through an expanded Social Amelioration Program," dagdag ng senador.
Sa ipinatupad na NCR-Plus Bubble na ipinatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease nitong Linggo, nilimitahan ang pagbiyahe ng mga tao sa Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna mula Marso 22 hanggang Abril 4.
Ilang negosyo rin ang isinara tulad ng spa at gym, at binawasan ang mga kliyente sa ilang establisimyento.
"Let us work together to find the funds needed to further help our people, especially those whose lives and livelihoods are adversely affected by tighter restrictions which we imposed to stop the spread of COVID-19," ayon kay Go.
Sa Kamara, muling iginiit ni Speaker Lord Allan Velasco na ipasa ang P420-bilyon na pondo para sa Bayanihan 3 bill.
“There are a lot of Filipinos who are suffering financially and are in dire need of help now. A third economic stimulus package will provide much-needed lifeline to individuals, families and businesses severely affected by the pandemic," ayon sa inilabas na pahayag ng kongresista.
Layunin ng panukala na tinawag na Bayanihan to Arise As One Act, na makapaglabas ng pondo na palakasin ang ekonomiya at tulong pinansiyal.
Ayon kay Velasco, mayroon na umanong 224 kongresista ang sumusuporta sa panukala, at nagpahayag din umano ng suporta si Finance Secretary Carlos Dominguez IIII.
"It’s a matter of finding revenues to be able to fund those programs. Secretary Dominguez did not actually shoot down Bayanihan 3,” giit ni Velasco.
“Definitely, he (Dominguez) really wants to help the Filipino people. Ang sinabi lang niya eh give him time to look for the funding," dagdag niya.
Una rito, may inihain din na panukalang batas si dating Speaker Alan Cayetano na Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program o P10K Ayuda Bill, na naglalayong magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga benepisaryo na P1,500 hanggang P10,000 sa bawat tahanan.--FRJ, GMA News