Nadagdagan pa ang mga kaso ng mas nakahahawang uri ng COVID-19 na South Africa at United Kingdom variants, ayon sa Department of Health.
Sa press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na natuklasan ang mga bagong kaso sa ika-siyam na batch ng genome sequencing conducted na isinagawa ng Philippine Genome Center (PGC).
“Nakapagtala po ng 52 additional B.1.351 variant, ito ‘yung kinilala bilang South Africa variant. Meron po tayong 31 additional B.1.1.7 variant, ito naman ‘yung UK variant, and 42 additional cases with mutations of potential clinical significance,” anang kalihim.
Dahil dito, umabot na sa 58 ang kabuang kaso ng South Africa variant cases sa Pilipinas, habang 118 naman ang UK variant, at 76 ang cases with "mutations of concern."
Ayon kay Duque, 41 sa 52 bagong kaso ng South Africa variant cases ay mula sa Metro Manila, habang beniberipika naman ang lugar ng 11 isa pa.
“Forty out of 41 naman sa NCR cases ang active, ‘yung isa po ay recovered na,” dagdag niya.
Samantala, 28 sa 31 na bagong kaso ng UK variant ay nasa Metro Manila rin at tatlo ang under verification.
Pawang nagpapagaling pa umano ang mga bagong kaso.
Sa 42 na bagong kaso ng may mutations of concern, 34 ay mula sa Central Visayas, anim sa Metro Manila, at dalawa ang under verification.
“Twenty-two of the 34 cases from Region 7 are now recovered. Meanwhile, the remaining 12 Region 7 cases, all 6 NCR cases, and both cases being verified are tagged as active cases,” ayon sa DOH.
Sa harap ng mga ulat tungkol sa mga bagong kaso ng mas nakahahawang variant ng COVID-19, sinabi ng OCTA Research group na sa nakalipas na linggo, nasa 900 ang average daily news cases ng COVID-19 sa Metro Manila, mas mataas ng 50% sa nakalipas na linggo at 119% na pagtaas sa nakaraang dalawang linggo.
Nitong Huwebes, nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 584,667 kaso ng COVID-19, kung saan 535,037 ang gumaling na at 12,404 ang nasawi.--FRJ, GMA News