Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang gahasain umano ang isang menor de edad na babae na nakilala niya sa isang pagtitipon. Ang suspek, pinagkatiwalaan pa man din ng kaanak ng biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang pagdakip sa 20-anyos na suspek na si Ariston Deparon ng Pasig Police sa isinagawang follow-up operation.

Naaresto ang lalaki sa kalsada at nagtangka pang tumakas nang malapitan ng mga pulis na nakasibilyan.

Nagkakilala ang biktima at suspek sa isang pagtitipon at binilin pa raw ng kaanak ng biktima kay Deparon ang dalagita para ihatid sa bahay pero ginahasa niya.

"Hindi niya basta-basta hinatid. Ang ginawa, nakita ng biktima na gumamit siya ng marijuana. After that ni-rape niya itong biktima," sabi ni Police Colonel Moises Villaceran, Chief of Police ng Pasig City.

Napag-alaman din ng pulisya na may kasong robbery din ang suspek, na hindi na nagbigay ng pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News