Inihayag ng Philippine Airlines (PAL) nitong Martes na ipatutupad nila sa Marso ang company-wide workforce reduction program para sa recovery overhaul plan ng kompanya na matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ng PAL na maaapektuhan ng reduction program ang nasa 2,300 ba manggagawa o 30 porsiyento ng kanilang workforce.
“The total includes both voluntary separations and involuntary retrenchment, and the affected personnel will continue to be employed until mid-March 2021,” ayon sa PAL.
Naipaalam na umano ng kompanya sa kanilang mga kawani ang retrenchment program noong pang Oktubre 2020.
Bago nito, nagpatupad ang PAL ng ilang programa upang maiwasan ang sibakan sa trabaho tulad ng flexible working arrangements noong panahon ng matinding hagupit ng pandemic sa airline industry.
“This has been an extremely difficult and painful decision. For our colleagues who are leaving, rest assured that we are committed to support you through this transition. We extend to you our deepest gratitude for your years of hard work and dedicated service, and we will always cherish the ties you have established with the PAL family,” ayon kay PAL president Gilbert Sta. Maria.
Bagaman paunti-unti nang nagkakaroon ng mga bumibiyahe, sinabi ng PAL na malayo pa rin ang sitwasyon nila bago tumama ang pandemic.
Tiniyak naman ng PAL na patuloy at hindi maapektuhan ng pagbabawas ng kawani ang kanilang magiging serbisyo.
“PAL will continue to gradually increase international and domestic flights as demand recovers,” ayon sa pahayag.
“In addition to regular scheduled services, the flag carrier continues to mount special repatriation flights to help bring home stranded Filipinos from the Middle East, Europe, North America and all over Asia,” dagdag nito.--FRJ, GMA News