Patay ang apat na umano'y kidnaper sa engkwentro sa Quezon City, at nailigtas ang isang Chinese na dinukot daw ng mga suspek .
Iniulat ni James Agustin sa "Unang Balita" na nangyari ang operasyon bago mag-alas-kwatro ng umaga sa Barangay Holy Spirit.
Ikinasa ang operasyon ng mga elemento ng PNP Anti-Kidnapping Group matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kaibigan ng dinukot na isang lalaking Chinese dakong alas-10 ng gabi ng Huwebes.
Naabutan ng mga pulis ang tatlong suspek sa loob ng isang bahay at ang isa naman ay nakatayo sa eskinita ilang metro malapit lamang sa kinaruruonan ng tatlo.
Nagkaengkwetro umano at napatay ang mga suspek. Maayos naman umanong nailigas ang biktima.
Hindi pa nagbigay ng detalye ang mga pulis sa naturang rescue operation. Napasugod din umano ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) unit dahil may napabalitang may dalang granada ang mga suspek.
Nakarekober naman ang mga pulis ng baril mula sa mga suspek at patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ayon sa mga residente sa lugar, hindi nila kilala ang apat dahil halos dalawang linggo pa lamang umuupa ang mga ito sa tinitirhang bahay. —LBG, GMA News