Mayorya sa sumali sa online survey na mga Filipino ang hindi sang-ayon na pag-usapan ng Kongreso sa kasalukuyan ang Charter Change o pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ito ang lumabas sa pinakahuling pag-aaral na isinagawa ng Veritas Truth Survey (VTS) sa may 600-online respondents sa buong bansa noong January 4 hanggang 8, 2021.
Sa resulta ng VTS, 75 porsiyento sa respondents ang hindi sang-ayon na kagya’t na talakayin ang Cha-cha.
Dalawamput-tatlong porsiyento naman ng mga sumagot ang pumapayag habang dalawang porsiyento ang ‘undecided’.
Lumilitaw sa VTS na walo sa 10 Filipino ang ayaw na talakayin at paki-alaman ng mga mambabatas ang economic provisions ng 1987 constitution.
Ayon kay Bro. Clifford Sorita, chief strategist ng VTS, ang resulta ng pag-aaral ay nagpapakita na mas dapat munang ituon ng mga mambabatas ang kanilang panahon sa ibang mga usapin.
“Changing our Constitution is such a serious matter, because it will determine the future of our country politically, that we must make the widest consultation regarding adequate information, discussion and education,” ayon kay Sorita.
Binigyang-diin naman ni Father Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas, na ang resulta ng VTS ay isang “wake-up call” na hangad ng mga Filipino ang authentic political transformation.
Inihayag ni Father Pascual na ang damdamin ng mga Filipino ay sumasalamin na lubhang kailangan na ang “character change” sa political system ng bansa.
“CHARACTER CHANGE must precede CHARTER CHANGE. Having Charter Change without adequate ‘social change’ is like wearing brand new clothes without even taking a bath,” ayon kay Fr. Pascual. —LBG, GMA News