Patay ang dalawang magkapatid na babae matapos silang ma-trap sa kwarto ng nasusunog nilang bahay sa Barangay Malaya, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing malaki na ang sunog sa ground floor ng bahay nang magising ang pamilya Lee bago mag-alas sais ng umaga nitong Biyernes.
Nagawang makalabas ng padre de pamilya at anak niyang lalaki na natutulog sa ground floor.
Tinangka ng mag-ama na apulahin ang apoy pero hindi na nila kinaya, habang na-trap sa kwarto sa mezzanine ang dalawa sa tatlong magkakapatid.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mariah Maxene Lee, 24-anyos, at bunsong kapatid na si Isabel Franchesca, 10-anyos.
"Sa kasawiang palad hindi po sila nakalabas gawa ng mga bintana ng kanilang bahay ay walang window opening, mga naka-grills po sila at wala po silang smoke detector," sabi ni Fire Chief Inspector Joseph Del Mundo, operations chief ng BFP-QC.
Nagtamo ng second degree burns sa balikat ang padre de pamilya dahil sa sunog, na umabot sa unang alarma at naapula makalipas ang halos 40 minuto.
Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng apoy.
"Ang origin po ng ating fire ay doon sa ilalim ng hagdan na isang mini bar na ginawa nilang storage, sa may ground floor po 'yun, doon po nagsimula 'yung sunog, umakyat hanggang doon sa may second floor," ayon kay Del Mundo.
Nagkakahalaga ng aabot sa P30,000 ang pinsala sa istraktura.
Nagpayo ang BFP sa publiko na siguruhing may fire exit ang mga bahay para maiwasan ang insidente. —LBG, GMA News