Isang pulis ang nasawi, habang isa pa ang sugatan nang barilin sila ng lalaking sakay ng motorsiklo na kanilang sinita dahil walang suot na helmet sa Caloocan City. Ang suspek, napatay din.
Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang nasawing tauhan na si Police Corporal Dexter Rey Teves, ng Caloocan City Police Station.
Sugatan naman si Police Corporal Rex Abraham Abigan, na tinamaan ng bala sa paa.
Ayon sa PNP, sinita nina Teves at Abigan ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na walang suot na helmet sa Barangay 167 nitong Martes.
Nang hingin ng mga pulis ang dokumento ng motorsiklo, doon na binaril ng isa sa mga salarin si Teves.
Tinangka naman ni Abigan na agawin ang baril pero naputukan siya sa paa.
Kaagad namang rumesponde ang isa pang pulis na si Police Staff Sergeant Christopher Anos, at napatay niya ang salarin na nakilalang si Mark Gil "Macoy" Toreda.
Nagtangka naman tumakas ang kasama ni Toreda na si Clark Castillo, pero nasukol siya ng mga tao sa lugar.
Kaagad namang dinala sa Novaliches General Hospital ang dalawang pulis pero pumanaw na si Teves.
Nakuha sa mga suspek ang isang caliber 9mm baril, isang MK2 fragmentation hand grenade, anim na sachet na hinihinalang may lamang shabu, at pera na P3,500.
Tiniyak ni PNP chief Police General Debold Sinas na tatanggap ng suporta sa kapulisan ang pamilya ni Teves, at tutulungan din sa pagpapagamot si Abigan.--FRJ, GMA News