Itinuturing ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na puslit o smuggled ang COVID-19 vaccine na itinurok sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) dahil hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa wreath laying ceremony sa Rizal Park, Manila kaugnay ng paggunita ng Rizal Day nitong Miyerkules, sinabi ni Lorenzana na dapat magpaliwanag ang PSG sa ginawang pagbabakuna kahit sinasabi nilang para iyon sa proteksiyon na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"Smuggled kasi hindi authorized. Only the government can authorize diyan," sabi ni Lorenzana sa mga mamamahayag.

"Kailangan ipaliwanag ng PSG 'cause they violated FDA rules... Explain ng PSG bakit ginawa 'yon," dagdag ng kalihim.

Gayunman, nilinaw ni Lorenzana na hindi maituturing "breach of security" ang nangyari dahil maganda naman ang layunin ng PSG sa pagbabakuna.

Ayon pa sa kalihim, nalaman lang niya ang pagbabakuna sa mga PSG member nang maisagawa na ito.

Hindi rin daw niya alam kung saan nakuha ng PSG ang naturang bakuna.

Nitong Martes, sinabi ni PSG commander Brigadier General Jesus Durante III  na libre nilang nakuha ang COVID-19 vaccines mula sa isang source na hindi niya tinukoy.

Nagsagawa raw sila ng kanilang research tungkol sa bisa ng bakuna para sa mga close-in security personnel ng pangulo.

Pero ayon kay Lorenzana, dapat sinusunod ang patakaran ng FDA lalo na sa ganitong mga pagkakataon. Aniya, dapat matiyak na ligtas ang mga bakuna, gamot at pagkain na pumapasok sa bansa.

Sinabi rin ng kalihim na dapat bilisan ng FDA ang pagproseso sa pag-apruba sa COVID-19 vaccines para sa bansa.

"Ang dapat gawin ng FDA, madaliin pag-approve para makapag-import na legitimate importers and government kasi nagba-vaccine na sa ibang lugar. FDA should fast-track," ani Lorenzana.

Sa ngayon, wala pang COVID-19 vaccine na naaprubahan ang FDA para sa bansa. —FRJ, GMA News