Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong magbanta ang isa sa kanila gamit ang isang pekeng baril sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Ginamit pa raw ng isang suspek ang pekeng baril para tutukan ang bantay ng isang sari-sari store na tumangging pagbilhan siya ng alak.
Inaresto ang mga suspek na si Alejandro Alfonso at kasama nitong si Nino Garualdo matapos makatanggap ng sumbong ang pulisya nitong Huwebes ng gabi sa Barangay North Fairview.
Bukod sa replica ng baril, nakuha din mula sa dalawa ang isang kutsilyo at marijuana.
Kuwento ng babaeng biktima, bumibili ng tatlong bote ng alak si Alfonso pero kulang ang pambayad nito kaya hindi niya pinagbilhan. Sa galit, nagbanta raw si Alfonso na papaulanan niya ng bala ang tindahan.
Aminado naman si Alfonso na nagtalo sila ng biktima ngunit itinanggi niyang tinutukan niya ito. Aniya, pag-aari ng apo niya ang gun replica na nakuha sa kaniya.
Aminado rin si Alfonso na sa kaniya ang marijuana na nakuha ng mga otoridad.
Itinanggi naman ni Garualdo na sangkot siya sa nangyari.
Dati na raw nakulong ang dalawa dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga. —KBK, GMA News