Tutol ang Department of Health (DOH) sa mungkahing payagan ang mga kabataan na edad 14 pababa at maging ang mga nakatatanda na edad 66 pataas, na payagan nang mag-mall.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, lubhang mapanganib para sa nabanggit na edad kung mahahawahan sila ng COVID-19.
“Ang posisyon namin, hindi po nagbabago. We discourage that kasi meron pa ring risk,” pahayag ni Duque sa isang online forum nitong Miyerkules.
“Sa siyam na buwan na karanasan natin sa COVID-19, three to five percent po ng total infected cases natin ay sa mga bata nangyari. Hindi po sila exempted sa hawaan,” dagdag niya.
Ginawa ni Duque ang pahayag kasunod ng rekomendasyon ng Department of Trade and Industry na payagan nang makapasok sa mall ang mga batang edad pito pataas.
Pabor din ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na payagan ang mga bata sa naturang edad na makapasok sa mall basta may kasamang magulang.
Gayunman, nilinaw ng DILG na ang kapasyahan tungkol sa naturang usapin ay nakasalalay sa ilalabas na ordinansa ng bawal lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, mga nasa edad 15 hanggang 65 ang pinapayagan nang makalabas ng bahay para bumili ng mga pangunahing pangangailangan at maging sa pagtatrabaho.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, wala pang pinal na desisyon tungkol sa pagpayag sa mga kabataan na makapasok sa mall lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Sinabing humingi muna ng gabay ang mga alkalde ng Metro Manila mula sa Philippine Pediatrics Society at sa Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines bago sila maglalabas ng desisyon.
Kasabay nito, nilinaw ni Duque na hindi ipinagbabawal ng DOH ang Christmas celebrations basta limitado sa pamilya.
“Hindi po ipinagbabawal ng DOH ang holiday celebration. Gusto lang po natin ito limitahan sa immediate family members. Hindi na po muna [kasali ang] mga kamag-anak na galing sa ibang lugar,” paliwanag ng kalihim.
“Kasi sa siyam na buwan na may pandemya, ang nakakahawa po ay iyong mga walang sintomas o kung meron man, mild lang,” dagdag niya.--FRJ, GMA News