Nakunan sa kauna-unahang pagkakataon sa camera ang pagsilang sa isang Philippine mouse deer o chevrotain, na kilala rin sa tawag na pilandok sa Pilipinas, sa isang zoo sa Wroclaw, Poland.
Sa ulat ng Reuters, sinabing isinilang nitong Nobyembre 10 ang batang pilandok na kasinglaki ng malaking kahon ng posporo at may timbang na 100 gramo.
"For the first time ever in the history of any species of mouse deer, an actual birth was filmed and then the first moment of life of the baby," sabi ng head ng Zoo Wroclow na si Radoslaw Ratajszczak.
Mahalaga ang pagkakapanganak sa nasabing pilandok dahil isang dosenang pilandok lamang ang matatagpuan sa mga zoo sa Europe at iisa lamang ang lalaki.
Kilala ang pilandok sa pagkakaroon nito ng maliit na pangangatawan, mahaba at manipis na mga binti, at ulo na kaparis ng sa mga daga.
Nanganganib na mawala ang mga pilandok dahil sa patuloy na paghuli sa kanila.
"They are very prone to predators...they are quite easy to catch," ani Ratajszczak. "And they are of course, like rabbits, very tasty, unfortunately."
Mahirap ding pag-aralan ang mga pilandok dahil mas gusto nilang magtago sa damuhan at nagpupunta sa mga liblib na lugar kapag nanganganak.
Hindi pa malinaw kung ano ang kasarian ng sanggol na pilandok, ngunit umaasa ang mga convervationist na lalaki ito para makatulong sa pagpaparami pa ng kanilang species. --Jamil Santos/KBK, GMA News