Sinabi ng pinuno ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na “less than 12” ang mga kongresista na nasa kanilang listahan na sangkot sa katiwalian na may kaugnayan sa Department of Public Works and Highways.
Sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, sinabi ni Greco Begica, na ang naturang mga mambabatas na hindi niya tinukoy ang mga pangalan ay dapat isailalim sa pormal na imbestigasyon.
"’Yung exact number is less than 12 ang alam ko na-submit sa Pangulo na nakita namin after validation. Kailangan maimbestigahan ito nang pormal,” pahayag niya sa CNN Philippines.
“We need solid documents. We need probably forensic,” dagdag pa niya.
Ayon kay Belgica, sangkot umano ang mga mambabatas na nasa listahan sa ilang maanomalyang proyekto ng DPWH.
Gayunman, sinabi ni Belgica na hindi puwedeng ipagpatuloy ng PACC ang imbestigasyon sa mga mambabatas dahil ang mandato lang ng kanilang komisyon ay imbestigahan ang mga itinalaga ng pangulo sa puwesto at hindi kasama ang mga inihalal na opisyal.
“In the course of our investigation, some of it, merong mga gaya ng isa naming witness nagsasabi tungkol nga sa connivance, porsyentuhan, which involves of course DPWH, contractors,” paliwanag ni Belgica.
“Tapos, merong ilang nagsasabi merong mga parte ang mga legislators, hindi lahat, for specific projects,” dagdag niya.
Ayon kay Belgica, dapat ang mga “competent authorities” ang magsagawa ng imbestigasyon sa mga mambabatas tulad ng Office of the Ombudsman, Department of Justice, at National Bureau of Investigation.
Naibigay na ang listahan ng mga pangalan kay Pangulong Rodrigo Duterte, na tulad ni Belgica, ay hindi rin isinapubliko ang pagkakakilanlan. --FRJ, GMA News