Hustisya ang hiling ng asawa ng biktimang nasawi sa pagbagsak ng steel girder sa Skyway Extension Project sa Muntinlupa nitong Sabado na nakuhanan ng video. Ang biktima, kaarawan pa naman sana nitong Linggo.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, ipinakita sa video na mula sa isang concerned citizen na tumagilid muna ang malaking crane at tumama sa malaking bakal kaya bumagsak.
Ibinahagi ng concerned citizen ang video para makatulong daw sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyari.
Nasawi sa naturang trahediya si Edison Paquibot, na sakay noon ng kaniyang motorsiklo papasok sana sa trabaho.
Naulila ni Paquibot ang kaniyang maybahay na si Marilou at apat na taong gulang nilang anak.
Ayon kay Marilou, nagtamo ng mga bali sa tadyang ang kaniyang mister pero ang pinakagrabe ay ang pinsalang tinamo nito sa ulo.
"Kailangan managot sila. I don't wish evil to anybody pero bakit yung asawa ko pa?," umiiyak na pahayag ni Marilou.
Bukod kay Paquibot, apat na tao pa ang nasaktan sa naturang insidente.
Ang EEI Corporation ang private contractor sa naturang proyekto ng Skyway Extension na pinapangasiwaan ng San Miguel Corporation.
Nauna nang humingi ng paumanhin si San Miguel Corporation president and chief operating officer Ramon Ang sa nangyari.
Sinagot naman ng kompanya ang gastusin sa ospital at pagpapalibing kay Paquibot.
Nananawagan naman ang iba pang biktima na mabilis sanang maibigay ang tulong sa kanila tulad sa mga nasira nilang sasakyan.
"Sana 'wag nang patagalin kasi kung papatagalin nila, kawawa naman kami," anang isang rider na nasira ang motorsiklo sa insidente.
Ang isang taxi driver, nais na mapalitan na sana ang kaniyang sasakyan dahil matindi ang tinamong pinsala ng kaniyang taxi.
Ayon kay Ang, bagaman ang EEI Corporation ang namamahala sa konstruksiyon ng proyekto, may responsibilidad ang SMC na tulungan ang mga biktima bilang nasa likod ng proyekto.
Nasampahan na ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang operator ng crane.
Dahil sa insidente, mauurong sa Pebrero 2021 ang pagtatapos ng Skyway Extension Project na dapat sanang magawa na ngayong Disyembre. — FRJ, GMA News