Ang dambuhalang eroplano ng militar na C-130 ang isa sa mga inaasahan sa panahon ng kalamidad para sa evacuation at paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Pero ayon kay Senador Ping Lacson, sa apat na eroplanong ito, isa lang ang kasalukuyang nagagamit.
Inihayag ito ni Lacson nitong Biyernes sa deliberasyon sa Senado ng P215 bilyong budget ng Department of National Defense para sa 2021 kung saan siya ang nag-sponsor sa plenaryo.
Ayon kay Lacson, naglaan ang Kamara de Representantes ng P2 bilyon para sa "heavylift transport aircraft" sa ilalim ng 2021 General Appropriations Bill.
Pero ayon kay senador Imee Marcos, ang mga "medium lift aircraft" na katulad ng C-130 ang ginagamit sa human assistance at disaster relief.
Aniya, mas mahalaga ito sa pagtugon sa mga kalamidad lalo na ngayon matapos ang naging karanasan ng bansa sa nagdaang mga bagyo.
"Apat lang ang C-130, ang lumilipad lang sa ngayon isa. Hopefully the one undergoing repair will be finished by December," ani Lacson.
Batay sa impormasyon na ibinibigay ng kinatawan ng DND, sinabi pa ni Lacson na ang dalawa pang C-130 plane ng bansa ay nasa Portugal.
"Yung dalawa nasa Portugal—'yung isa due for fly out na raw, 'yung isa undergoing maintenance in Portugal. Makakadagdag pa 'yan pero siguro next year na," ayon sa senador.
Pinuna ni Marcos na walang pondong nakalaan para bumili ng karagdagang C-130 plane.
"Nakakatuwa lang po kasi sinabi natin na 'yung priority natin ay human assistance and disaster relief, wala naman tayong bagong medium lift tapos 'yun nga, isa lang ang lumilipad na lumang-luma na rin," ayon sa senadora.—FRJ, GMA News