Sumuko na ang pulis na bumaril at nakapatay sa isang lalaki, at nakasugat pa ng isa sa Tondo, Maynila kaninang madaling-araw. Paliwanag ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang kaniyang sarili.
Sa panayam ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabi ni Manila Police District Homicide Division chief Police Captain Henry Navarro na sumuko sa kaniyang tanggapan dakong 1:30 pm ang suspek na si Police Corporal Norman Alvin Santos.
Ayon pa sa opisyal, makaraan ang insidente, kaagad silang nagtungo sa pinangyarihan ng krimen at kinausap din ang mga kamag-anak ni Santos para pasukuin ang suspek.
"Right after po ng insidente, bumaba po kami sa lugar ng pinangyarihan, ganon na rin po sa address na nakasaad sa kaniyang file, pinuntahan namin 'yung mga kamag-anak niya at pinaliwanagan namin na sabihan si Corporal Santos na di makakabuti sa kaniya kung mananatili siyang at large," saad ni Navarro.
"Kaya nakumbinsi naman po namin. Later on nagpahiwatig po siya ng intensyon na sumuko po," dagdag niya.
Napatay sa naturang insidente na naganap sa Barangay 106 si Joseph Marga, habang sugatan naman si Mark Lester Quiñones.
Una rito, iniulat na pauwi na ang mga biktima nang makita nila si Santos na umano'y lasing. Nagbanta raw ang suspek na aarestuhin ang mga biktima.
Pero ikinatwiran umano ni Marga na residente siya sa lugar na ikinainis ng pulis na humantong sa pamamaril.
Tinangka naman ng mga tao na arestuhin si Santos pero nakatakas ito at naiwan ang kaniyang baril.
Ayon kay Navarro, inamin umano ni Santos na nag-iinuman sila sa lugar at ikinagalit ni Marga na nakaparada sa harap ng bahay nito ang kaniyang motorsiklo.
Umalis umano ang biktima at nang bumalik ay may mga kasama nang may dalang pamalo at itak.
"According sa kaniyang salaysay, nag-iinom po sila doon sa tapat ng bahay ng biktima hanggang dumating nga po 'yung biktima, medyo nagkaroon sila ng palitan ng maanghang na salita dahil diumano pinapatanggal ng biktima 'yung motor ng ating pulis na nakaparada sa tapat ng bahay ng biktima," kuwento ni Navarro.
"Naawat naman sila pero umalis 'yung biktima pero bumalik diumano may mga kasama ng kalalakihan na may dalang tubo, itak at doon na ho nagkagulo..." patuloy niya.
Sinabi rin ni Navarro na kasama ni Santos ang sugatan na si Quiñones.—FRJ, GMA News