Humingi ng paumanhin si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kay Bise Presidente Leni Robredo dahil sa pagkomento niya sa maling impormasyon na sumakay ang huli sa C-130 plane ng militar nang magpunta sa Bicol. Gayunman, may puna pa rin si Panelo sa pangalawang pangulo kaugnay sa nag-viral na "#NasaanAangPangulo?"
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing una nang humingi ng paumanhin kay Robredo si Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos na mapatunayan na hindi totoong sumakay ng C-130 ang pangalawang pangulo.
Ayon kay Lorenzana, nilinaw sa kaniya ng Philippine Air Force na pribadong eroplano ang ginamit ni Robredo nang magpunta ang huli sa Bicol para sa relief operation ng mga nasalanta ng bagyo.
Mula sa impormasyon ni Lorenzana ay nagbigay din ng komento si Panelo na nakikigamit ng sasakyan ng militar ang pangalawang pangulo.
Dahil dito ay nag-sorry si Panelo.
Pero pinuna niya ang bise presidente kung bakit hindi raw ipagtanggol ni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa maling impormasyon tungkol sa mga nagtatanong kung nasaan ang pangulo noong kasagsagan ng bagyo.
"Tinext ko si VP Leni, nag-apologize ako for expressing an opinion on a wrong information. If I'm willing to apologize for a wrong info, why is she not willing to defend the President from a wrong info? Ang false information 'yung 'Where are you, President?'" ani Panelo.
"Binabanatan siya, hindi siya nagtrabaho, eh nagtatrabaho nga sa Malacañang tapos lumipad pa immediately after," dagdag ni Panelo.
Inilahad naman ni Lorenzana na nagalit si Duterte kay Robredo matapos makarating sa Punong Ehekutibo ang tungkol sa umano'y text message ni Arnel Casanova na nanawagan na suportahan ang pangalawang pangulo sa nangyayaring krisis ng dulot ng bagyo.
Si Casanova ay napag-alaman na dating pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) noong termino ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino at tagasuporta ni Robredo.
Nakasaad umano sa naturang text message ni Casanova na; "Please rally behind Leni in the midst of this crisis. This is not politics. This is saving lives. She has the mandate as the President is clearly incapable of functioning effectively as lives are being lost. Cagayan and Isabela are also drowning now. Please give Leni the full support."
Hindi naman nabanggit sa ulat kung para kanino ang naturang text message at sinusubakan pa ng GMA News na makuha ang panig ni Casanaova.
Sa tweet ni Robredo, inihayag niya na hindi contest ang pagtulong at walang nag-uunahan, at walang puwang ang "ego" kapag buhay na ng mga tao ang nakataya.
Naglabas si Duterte ang kaniyang galit kay Robredo nitong Martes ng gabi, at tinawag niyang "dishonest person" ang pangalawang pangulo dahil sa pagsisimula umano ng #NasaanAngPangulo na nag-trend sa social media noong kasagsagan ng mga bagyong Rolly at Ulysses.
Gayunman, iginiit ni Robredo na hindi siya ang nasa likod ng naturang hashtag at hindi rin niya hinanap ang pangulo.--Jamil Santos/FRJ,GMA News