Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi sumakay si Vice President Leni Robredo sa C-130 military aircraft nang magpunta siya sa Bicol para maghatid ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo.

Sa halip, lumitaw na tanging ang relief goods na mula sa tanggapan ni Robredo ang isinakay sa Air Force helicopter noong Nobyembre 3 patungong Catanduanes.

“I requested the Philippine Air Force to confirm through their flight manifest and they reported that there was no instance that Vice President Robredo boarded any military aircraft in going to Catanduanes,” sabi ni Lorenzana nitong Miyerkules.

“However, there was a jibed mission using an Air Force Huey helicopter that brought relief goods from the Vice President from Legazpi City, Albay to Catanduanes last 03 November 2020,” dagdag ng opisyal.

Makikita sa Twitter post ni GMA News reporter Joseph Morong ang kopya ng flight manifest .

Dahil dito, humingi ng paumanhin si Lorenzana kay Robredo.

“Secretary Lorenzana said he has sent his apologies to the Vice President for making a comment based on an erroneous report submitted to him,” anang Department of National Defense.

Una rito, nagpatutsada rin si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo dahil sa pag-akalang nakisakay si Robredo sa C-130 plane, na kaagad na itinanggi ng opisina ng pangalawang pangulo.

"Secretary Panelo should get his facts straight," depensa ni Atty. Ibarra Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.

"Nakakalungkot lang, tumutulong si Vice President Leni sa mga tinamaan ng bagyo at baha… imbes na suporta, paninira at kasinungalingan ang binabato,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Armed Forces spokesman Major General Edgard Arevalo, na wala namang problema kahit gamitin ng pangalawang pangulo ang kagamitan ng militar para sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad.

"If you're going to ask us if the Vice President using naval, air, land assets, wala naman po tayong problema doon. Puwede naman po natin siyang tulungan," paliwanag ni Arevalo sa virtual press conference.

"Of course, kailangan po natin siyempre, may mga coordinations tayo na initial na kailangang gawin para alam din po nila 'yung destination na pupuntahan, ano po 'yung security package na kailangan nating ibigay sa kaniya," dagdag niya.

Nilinaw din ni Arevalo na walang natanggap ang AFP General Headquarters ng anumang kahilingan mula kay Robredo tungkol sa pag-rescue sa mga naipit ng baha.

"Here at the General Headquarters from where all directives to deploy disaster responders emanate, no requests or information of distress calls were received from the Honorable Vice President," ani Arevalo.—FRJ, GMA News