Para kay Pangulong Rodrigo Duterte, maliit na bagay ang ibinabatong isyu tungkol sa "mañanita" ng bago niyang talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Debold Sinas.
Sa video clip na inilabas ng Malacañang nitong Sabado, inako ni Duterte ang responsibilidad sa paghirang kay Sinas bilang bagong pinuno ng kapulisan kahit pa inaakusahan ng mga kritiko ang huli nang pagiging masamang ehemplo sa hindi pagsunod sa health protocol laban sa COVID-19 nang magdaos ng mañanita sa kaniyang kaarawan noong Mayo.
Inireklamo sa piskalya ng Taguig si Sinas dahil nilabag umano nito ang patakaran sa pagbabawal ng mass gatherings at 'di pagsunod sa social distancing rules dahil sa naturang mañanita.
Pero ayon sa Punong Ehekutibo, hindi iyon kasalanan ni Sinas.
“Alam mo kasi ‘yang mañanita, it’s a religious, almost a religious ritual. Nakaugalian na talaga ng mga Pilipino. Hindi kasalanan ng pobreng Sinas na ‘yan na pumunta sila doon, hindi naman niya alam,” anang pangulo.
“At kung may kasalanan siya doon, pardon na siya. Wala akong nakitang kasalanan na masama na may moral implications, may kasamang malisya, wala,” dagdag ni Duterte.
Una rito, sinabi ng Palasyo na hindi nalulusaw ang anumang pananagutan ni Sinas sa usapin ng mañanita kahit itinalaga siyang hepe ng PNP.
Dati nang ipinagtanggol ni Duterte si Sinas sa naturang isyu at sinabi ng pangulo na hindi niya aalisin sa posisyon ng heneral.
“Hindi naman kailangan maglabas siya doon ng mga mask. It happened. Well, it was bad na ‘yung mga pumunta doon hindi nila inisip. But dahil naman sumusunod lang sila sa almost religious practice of mañanita,” paliwanag ni Duterte.
“We sing a person a happy birthday ang wishing para naman i-endear ng tao sa trabaho niya at sa buhay niya. Maliit na bagay ‘yun,” patuloy niya.
Kamakailan lang, hinimok ni Sinas ang publiko na mag-move on na sa mañanita issue dahil nasa piskalya na ang reklamo laban sa kaniya. —FRJ, GMA News