Sa kabila ng mga naiuulat na mapangahas na krimeng sangkot ang mga salaring nakamotorsiklo, iginiit ng isang opisyal ng Philippine National Police na bumaba ang mga krimen na gawa ng "riding in tandem" criminal sa nagdaang mga buwan.
Mula nang luwagan muli ang pagbiyahe ng mga motorsiklo, sunod-sunod na krimen ang iniulat na sangkot ang riding in tandem tulad ng pagnanakaw at maging sa pagpatay.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabi ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, na bumaba ng 59 porsyento ang krimen ng mga nakamotorsiklo sa pitong buwan na ipinatupad ang community quarantine, kumpara sa pitong buwan bago nito.
Gayunman, sinang-ayunan ni Eleazar na naglipana na naman ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga nakamotor sa pagluluwag ng quarantine.
"Kagaya rin natin 'yan, itong mga kriminal naman, hindi puwedeng mag-work from home itong mga holdupper nu'ng time na nasa quarantine tayo," sabi niya.
"Pero uulitin ko, talagang kokonti sila kumpara before the pandemic," dagdag ni Eleazar.
Para patuloy na masugpo ito, sinabi ni Eleazar na binuo ng PNP ang mga Motorized Anti-Street Crime Operatives (MASCO). Bukod dito, nagtalaga rin ang ahensiya ng mga random checkpoint para mabantayan ang mga magkakaangkas.
--FRJ, GMA News