Hiniling ni AnaKalusugan Partylist Representative Mike Defensor na pangalanan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga mambabatas na sangkot sa katiwalian sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Defensor, chairman ng House committee on public accounts, hindi makatwiran na madamay ang buong Kongreso kung walang tutukuying pangalan ang PACC.
"Ang panawagan ko huwag naman blanket accusation. Huwag naman nilalahat dahil unfair din sa institusyon at sa maraming miyembro ng Kongreso, na naniniwala akong hindi naman ganito ang ginagawa," pahayag niya sa mga mamamahayag nitong Biyernes.
"If there are really corrupt practices being done and they are saying congressmen or congresswomen are involved, then they should really point to whoever are involved. Ituro na talaga nila at magkaroon nang malalim na pag-aaral," dagdag niya.
Una rito, sinabi ni PACC chief Greco Belgica sa isang panayam sa radyo na mayroong mga DPWH district engineers ang ginigipit ng mga mambabatas para sa proyekto.
Ayon kay Defensor, handa siyang magpatawag ng imbestigasyon tungkol sa katiwalian sa DPWH pero mas makabubuti umano kung "third party" ang gagawa nito kung may mga mambabatas na sangkot.
"Baka ang sabihin naman nila, self-serving. Gagawa ako ng investigation, pagkatapos [ang] mga kasamahan ko magkaroon ng absuwelto. Hindi maganda. So I would rather na they do a third-party investigation—labas sa Kongreso, labas sa DPWH," paliwanag niya.
Bago nito, inihayag ni Senador Panfilo Lacson na may nasilip siyang sa 2021 budget proposal na alokasyon ng pondo para sa local infrastructure projects sa 42 congressional districts na magkakapareho sa ilalim ng DPWH propose budget.
Ayon sa senador, may mga naghihinala na kaya naantala ang pagsusumite ng DPWH ng kanilang mungkahing budget ay dahil na rin sa mga "pahabol" na ginagawa ng ilang kongresista.
Sinabi naman ni Defensor na hindi niya nakita ang sinasabi ni Lacson na 42 distrito na magkakapareho ng alokasyon.
Kamakailan lang, pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano'y patuloy na katiwaliang nagaganap sa DPWH. Gayunman, nilinaw ng pangulo na hindi si DPWH Secretary Mark Villar ang kaniyang pinatutungkulan.
Inihayag naman ni Villar na bumuo na siya ng task force na magsisisayat at tatanggap ng mga reklamo tungkol sa mga iregularidad sa kaniyang ahensiya.—FRJ, GMA News