Isang lalaki sa Quezon City ang natangayan ng cellphone ng isang kawatan na nakikisabay sa pangangailangan ngayon ng marami sa internet connection dahil sa online class ng mga mag-aaral. Ang modus ng suspek, nag-aalok ng libreng "wifi."
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV sa Barangay Apolonio Samson sa pagdating ng suspek na sakay ng motorsiklo.
Tumigil siya sa isang apartment building at paatras na ipinarada ang kaniyang motorsiklo para madaling makatakas.
Ayon sa mga saksi, kinatok ng suspek ang bawat unit sa building para mag-alok kunwari ng kabit na libreng wifi.
Isa sa mga nahikayat si Amid, hindi niya tunay na pangalan, na nagtiwala sa suspek dahil inisip niya na magagamit ng kaniyang anak sa online class ang wifi connection.
Hinanapan daw ng suspek ng cellphone si Amid at saka inayang bumaba mula sa kinaroroonan nilang second floor para daw makasagap ng mas malakas na internet signal.
Nang nasa baba na sila, hinanapan daw ng suspek si Amid ng xerox ng kaniyang ID pero ipinaiwan ang kaniyang cellphone para hindi raw mawala ang internet signal.
At nang umakyat si Amid, doon na tumakas ang suspek dala ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P13,000.
Ayon kay Amid, ang naturang cellphone ay bigay niya sa kaniyang anak.
"Kapag may nag-aalok sa inyo na free wifi para sa online class 'wag po tayong madaling magtiwala. Nangyari na po sa sa akin at ayaw ko rin pong mangyari sa inyo," payo ni Amid.
Samantala, inalerto na ng barangay ang kanilang mga kababayan para mag-ingat sa bagong modus sa kanilang lugar.-- FRJ, GMA News