Para mahikayat ang mga tsuper, market vendor at iba pang manggagawa na magpa-COVID-19 test, inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno na sasagutin ng lokal na pamahalaan ang pagkain ng kanilang pamilya sakaling magpositibo sila sa virus.

Inihayag ito ng alkalde sa kaniyang Facebook Live nitong Martes, kaugnay sa isinasagawang mass swab testing ng lungsod kaugnay na rin sa patuloy na pagbubukas ng ekonomiya ng lungsod.

Ayon kay Moreno, nauunawaan niya ang alalahanin ng ilan na nag-aalinlangan na magpa-swab test dahil sa nangangamba silang walang makakain ang kanilang pamilya kapag isinailalim sila sa isolation o quarantine ng 14-araw.

“Sa mga tricycle drivers, e-trike drivers, jeepney drivers, bus drivers, pedicab drivers, sa lahat ng manininda namin na vendor sa pampublikong palengke at lahat ng mga empleyado ng malls sa Manila, ‘wag na po kayong mangamba," saad ni Moreno sa kaniyang panawagan na magpa-swab test.

"Katulad ng kompromiso ko sa inyo, pipilitin nating yakapin hangga’t kaya nating yakapin. Pipilitin nating maibsan ang agam-agam o pangamba na baka magutom ang inyong pamilya,” patuloy niya.

Kabilang sa mga kalipikadong makatanggap ng naturang ayudang pagkain ay ang mga public market vendors, mall at supermarket employees, hotel staffers, restaurant workers, at e-trike, pedicab, tricycle, jeepney at bus drivers.

Magkakaloob umano ang lokal na pamahalaan ng isang sakong bigas at mga grocery items kapag nagpositibo ang manggagawa sa COVID-19 test.

Ipinaliwanag din ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapa-test upang matiyak ng manggagawa na hindi lang ang pamilya niya ang ligtas kung hindi maging ang mga taong pinagsisilbihan nila.

Sinimulan ng Maynila ang free RT-PCR testing sa ilang manggagawa nitong Setyembre.--FRJ, GMA News